Mahilig tayong maghanap ng "superhero" o ng tagapagligtas. Paborito natin ang mga kuwentong nananaig ang mabuti, magiting, malakas at may busilak na kalooban laban sa masasamang kampon ng kadiliman. Aminin man natin o hindi, hinahanap natin ang ganitong mga uri ng kuwento sa lahat ng aspeto ng ating buhay, hindi lamang sa sinehan, telebisyon o mga aklat. Kaya hindi nakapagtataka na dalawa ang karaniwang reaksyon sa pag-anunsyo ni Nicanor Perlas ng kanyang hangaring maging pangulo ng bansa --
"sino siya at ano ang kakayahan niya para maging tagapagligtas ng Pilipinas?" o "siya na nga ang tagapagligtas na hinihintay natin!"
Ngunit ito ang masaklap at masayang katotohanan.
Hindi siya ang tagapagligtas. Hindi ang mga pangako niya ang makapagpapabago ng ating lipunan. Hindi ang katalinuhan, kabutihan, at kakayahan niya ang magdadala sa atin sa kasaganahan at karangalang hinahangad natin para sa ating bayang Pilipinas. Masaklap dahil mahirap tanggapin na kailangan na nating baguhin at palitan ang kaisipang ito, isang kaisipang matagal nang bagahe ng bawat Pilipino, isang tanikalang pumipigil sa atin upang maging tunay na malaya at magaling! Masaya at totoo na wala sa labas, at wala sa iba ang hinahanap nating tagapagligtas. Ito ay nasa bawat isa sa atin. Bawat isa sa atin ang magliligtas sa bayang ito. Tayong lahat ang sagot. Ang pagbabago ng bawat isa, ng bawat Pilipino ang magbabago sa buong Pilipinas.
Hindi siya ang tagapagligtas. Hindi ang mga pangako niya ang makapagpapabago ng ating lipunan. Hindi ang katalinuhan, kabutihan, at kakayahan niya ang magdadala sa atin sa kasaganahan at karangalang hinahangad natin para sa ating bayang Pilipinas.
Ang pagpanig ng bawat isang Pilipino sa katotohanan ang papawi sa kasinungalingan at kabalintunaan na nananaig sa Pilipinas ngayon. Ang kabutihan ng bawat isang Pilipino sa kanyang kapwa Pilipino, at kapwa Tao ang magwawaksi sa kabuktutan at kasamaang nakikita at nararanasan natin sa Pilipinas, at sa Mundo ngayon. Ang pagpapanatili ng kagandahan ng ating Inang Lupa, at ang pagpapahalaga sa lahat ng nabubuhay ang magwawaksi sa masukal, mabaho, at nanlilimahid na kapaligirang ating ginagalawan ngayon. At kung mauunawaan ng bawat isang Pilipino na walang katumbas na salapi ang kanyang dangal bilang isang tao, hindi siya tatanggap ni isang sentimo upang ipagkanulo ang kanyang karangalan. Oo, hindi nakakain ang dangal ngunit ang pagkaing mula sa marumi sa kalaunan ay magiging lason na nakamamatay. At kapag lahat ng ating ginagawa, maliit man o malaki ay ating babaguhin upang umayon sa kung ano para sa atin ang tunay na marangal, sa isang iglap ay makikita natin ang pagbabago ng ating mga buhay, ng ating mga pamilya, simbahan, paaralan, pamahalaan, kapiligiran, at ng sambayanang Pilipino. At ang tunay na diwa ng pagiging Pilipino ay malayang maipamamalas natin sa buong mundo.
Ngayon pa lang ay simulan na natin ang pagbabago. Hindi natin kailangan ng tagapagligtas. Ngunit kasama tayo sa sagot upang iligtas at baguhin ang Pilipinas. Si Nicanor Perlas ay isa rin sa atin. Isang Pilipino na hinihikayat tayong akuin ang ating responsibilidad bilang Pilipino. Nais niya ring makita ang bagong Pilipinas na sama-sama nating lilikhain. At kasama natin siya sa paglikha nito.
0 comments:
Post a Comment